MENU

Source: https://www.flipscience.ph/

Links: https://www.flipscience.ph/technology/hazardhunterph-libreng-app-iwas-sakuna/

By: Cesar Ilao III

Bukod sa COVID-19, halos kumpletos rekados na nga ang mga nagdaang kalamidad nitong 2020: pumutok ang bulkang Taal, BBB (bagyo, bagyo, bagyo), at maraming lindol. Talagang walang pinipiling petsa ang natural hazards, ‘no?

(Ang natural hazard ay isang matinding pangyayari o kaganapan sa kalikasan na pwedeng magdulot ng pinsala sa mga tao. Ginagamit naman ang terminong natural disaster (sakuna) sa negatibong epekto ng hazard sa tao.)

Kung may dapat tayong matutunan sa 2020, ito ‘yun: ‘Wag na tayong magulat!

Hazard-prone talaga ang Pilipinas, kasi nasa loob tayo ng tinaguriang “Pacific Ring of Fire” at typhoon belt. Sa katunayan, pangatlo tayo sa mga bansang may pinakamataas na risk (o nanganganib), ayon sa World Risk Index 2018.

Pinalalala pa ng climate change ang epekto ng mga sakunang ito. Sa kasamaang palad, mukhang patuloy ang trend na ‘to sa mga susunod pang taon.

 
Talagang ligtas ang may alam

Para matugunan ang hamong ito, inilabas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (DOST-PHIVOLCS) ang HazardHunterPH app noong July 16, 2019 – sa mismong anibersaryo ng 1990 Luzon earthquake.

Upang maiging mapaghandaan ang mga ganitong pangyayari, layunin ng libreng app na magbigay ng hazard-related information sa mga Pilipino.

“Sa pamamagitan nito, masusuri ng isang tao ang mga hazards sa piling lokasyon at malalaman kung ito ay ligtas o prone [sa hazards]. Ito ang pwede nating pagkunan ng impormasyon sa ating hazards assessment,” ani DOST Undersecretary Dr. Renato Solidum Jr.

Sa madaling salita, pwede na nating malaman kung gaano katindi ang magiging epekto ng future hazards sa lugar natin. Ang resulta? Mapaghahandaan na ng mga indibidwal at institusyon ang mga paparating na sakuna.

Hindi katulad ng ibang hazard apps, kayang magsagawa ng HazardHunterPH ng multi-hazard assessments o isahang pagsusuri sa iba’t ibang hazards. Pwede mo nang makita kung gaano kaligtas ang lugar mo sa bagyo, lindol, at pagsabog ng bulkan. Kumbaga sa kape, parang 3-in-1 lang.

 
Paano gamitin ang HazardHunterPH?

Madali lang! Pwede mong gamitin ‘yung desktop at mobile version (Android) ng app. Pareho lang ang mga hakbang na dapat mong gawin.

Una, ilalagay mo ang address o coordinates ng lokasyon na gustong mong suriin – o pwede ka ring mag-zoom in sa mapa. Pagkatapos, dalawang tap (mobile) o click (desktop) sa napili mong lokasyon.

Matapos nito, gagawa ang app ng assessment results sa nasabing lugar sa apat na aspeto: seismic (lindol), volcanic (bulkan), hydro-meteorological (bagyo at baha), at nearest critical facilities (halimbawa: mga pinakamalapit na apektadong paaralan, daanan, at ospital).

Hindi lang ‘yan. May report din na ibibigay ang app. Mabusisi nitong ipaliliwanag ang nilalaman ng assessment results, kasama ang mga rekomendasyon nito. Malaki ang maitutulong ng resulta at rekomendasyon sa pagbuo ng plano para sa mga hazards sa hinaharap.

May mga karagdagang features pa ang app. Sa display options nito, pwede mo pang i-specify ang mga larawan at hazards na gusto mong makita sa mapa. Updated din ang bilang ng lindol at alert levels ng mga bulkan kada araw. Kung hindi ka pamilyar sa mga salita, hindi rin ‘to problema. Pwede mong tingnan ang kahulugan nito sa glossary of terms.

Ang lahat ng impormasyon na ibinibigay ng HazardHunterPH ay bunga ng pagtutulungan ng iba’t ibang kawani ng pamahalaan, artificial intelligence (AI), at open-source data.

 
Patuloy na pagpapaganda

Sa kabila nito, marami pang improvements na dapat gawin sa HazardHunterPH. Marami pa ring technical difficulties sa mobile version ng app, ayon sa feedback at low rating na natanggap nito mula sa users.

Patuloy pa rin ang pagkalap nito ng datos sa mga ahensya ng gobyerno para mai-update ang hazard assessment nito. Tuluy-tuloy rin ang pakikipag-partnership nito sa iba pang opisina para mapalawak pa nito ang sakop ng hazard and risk assessment nito. Sa maikling salita, hindi lang hazards ang kinahaharap nating panganib.

Kahit na marami pang improvements na kinakailangan sa ngayon, magandang panimula na ‘to para sa paghahanda natin sa mga susunod pang sakuna. Ang tanong: ready ka na ba?

Pin It